Harnessing the Power of RCC’s— Changing Lives, Shaping the Future
Speech to be delivered at the First RCC District Assembly
Saturday, 19 September 2009
By Gov. Sid Garcia
Kagalang-galang na Mayor Jun Bernabe, mga Smiling Visionary Presidents, mga officers ng RCC, mga kaibigan, magandang umaga sa inyong lahat.
Salamat sa inyong pagdalo sa First Rotary Community Corps District Assembly ng R.I. District 3830. Natutuwa kami at nagpapasalamt sa pagkakataong ito na magkakasama tayo—ang mga Rotary Community Corps at ang mga Rotary Club na sponsor nila—upang pag-usapan kung paano tayo makakapagtulungan para sa ikabubuti ng ating mga komunidad at ng ating bayan. Sa pamamagitan ng pagtitipon na ito, sabay-sabay tayong mag-iisip ng mga paraan ng pagsulong ng ating kapakanan at sa paglutás ng ating mga problema. Higit sa sinuman, kayo ang higit na nakakaalam ng inyong mga pangangailangan sa inyong mga poók; kayo ang nakakaintindi ng inyong situasiyon; kayo ang nakakaalam ng inyong lakas at kahinaan bilang isang komunidad. Inaasahan kong bubuksan ninyo ang inyong mga isipan at dadalhin ninyo sa ating pag-uusap mamaya ang inyong mga karanasan, kaalaman at saloobin tungkol sa inyong mga balak at mithiin para sa inyong komunidad.
Ito ang kauna-unang pagtitipon ng mga RCC sa District 3830. Pero ang RCC ay matagal-tagal nang nandito. Sa katunayan, ang RCC ay itinatag ng Rotary International noong 1985 sa ilalim ng pangalang Rotary Village Corps o RVC. Pinalitan ang pangalan nito sa Rotary Community Corps noong 1999 upang tumugma sa anumang lugar kung saan ito itatatág—kanayunan man o lunsod.
Eto ang isang mahalagang kaalaman na maaari nating ipagmalaki bilang mga Pilipino: —ang naka-isip ng ideya ng RCC ay isang Pilipino, si Mat Caparas, ang kaisa-isang Pilipino na naging presidente ng Rotary International. Itinatag niya ang RCC noong siya ay president-elect pa lamang (yung taóng bago siya umupo bilang presidente). Ang layunin niya ay simple lamang: bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayang hindi miyembro ng Rotary na makatulong sa pag-angat ng antas ng kabuhayan sa kani-kanilang mga pook sa pamamagitan ng mga proyektong makabuluhan, naangkop sa pangagailangan ng mga tao, at maaring ipatupad ng mahabang panahon. Si President Mat Caparas ay nagsilbing pangulo ng RI sa Rotary Year 1986-1987, at ang kanyang tema ay “Rotary Brings Hope.”
Ngayon, sa ika-labing-apat na taon ng RCC, naisip naming napapanahon na para bigyan ang RCC ng nararapat na pansin at pagpapahalaga bilang isang tunay na katuwang ng Rotary sa programa ng pagpapa-angat ng kabuhayan at pag-sasaayos ng ating mga komunidad.
Alam namin na marami nang nagawa ang mga RCC sa buong Pilipinas sa kani-kanilang poók. Malawak ang sakop ng kanilang mga proyekto. Ngunit napansin namin na may mga proyektong hindi tugma sa mga prioridad ng RI at distrito. Narito tayo ngayon para siguraduhin na ang mga proyecto ninyo sa taóng ito ay tugma at angkop sa mga pangunahing programa ng distrito at sa mga prioridad ng Rotary International. Sa pamamagitan ng pagtitipong ito, malalaman ninyo ang mga programa natin sa distrito sa taóng 2009-2010. Ang kaalamang ito ang gagabay sa inyo sa pagpili ng mga proyektong inyong ipapatupad at itataguyod sa mga darating na buwan.
Mahalaga na magkatugma ang ginagawa ng inyong mga RCC sa ginagawa ng mga Rotary Club sa distrito. Mas marami tayong magagawa at mas maraming tao ang ating matutulungan kung lahat ng mga Rotary Club at lahat ng RCC sa District natin ay lalakad sa isang direksiyon, at kung tayo ay magtutulong-tulong at hindi magkakanya-kanya.
Pinagkumpol-kumpol namin sa apat na grupo ang mga pangunahing programa natin sa taóng ito. Ang unang grupo ay Water, Sanitation at Environment. Dito kasama ang lahat ng proyekto sa tubig, kalinisan at kalikasan. Ang pangalawang grupo ay Health and Wellness. Kasama dito ang mga project sa kalusugan at kaginhawaan – pagsugpo ng sakit, pag-iwas sa sakit, at pagpapanatili ng kalusugan ng pamilya at kabahayan. Ang ikatlong pangkat ay Education and Literacy, kung saan kasama ang lahat ng mga proyekto na maaari nating gawin sa pagpapalaganap ng kaalaman, pagmamahal sa aklat, at sa pagtuturo ng mga basic educational skills sa pagbasa at pagbiláng. Ang pang-apat ay Service to Youth, na kinabibilangan ng mga gawain para sa mga kabataan.
Mamaya sa sessions natin, makikita ninyo nang malinaw ang pagsama-sama ng apat ng pangkat na yan para mabuo ang tema ng ating pagtitipun: RCC—-WHEY to Progress. Ibig sabihin, kayo, mga RCC, ay magiging daan patungo sa kaunlaran.
Malaking pananagutan ito. Pero huwag kayong mag-alalá. Hindi kayo mag-iisa sa pagtahak ng daan. Sa lahat ng oras, katuwang ninyo ang mga Rotary Club na nag-sponsor sa inyo. Gagabayan nila kayo sa pagpili at pagplano ng inyong mga proyekto. Aalalayan nila kayo sa pagpapatupad ng inyong mga plano. At pag nagkaroon ng problema o gusot, asahan niyong sasamahan nila kayo sa pagplancha ng gusot at paglutas ng problema.
Nguni’t may isang mahalagang bagay kayong dapat tandaan: Sa lahat ng oras, sikapin ninyong ipakita sa inyong sponsor club na kaya ninyong tumayo sa sariling inyong mga paa. Nasa RCC kayo dahil kayo ay mga lider sa inyong mga kabahayán at barangay. Kayo ay tinitingala bilang mga lider na walang ini-isip kundi ang kapakanan ng bayan, mga lider na masipag, maparaan, masigasig, matuwid, at may paninindigan. Hindi pinang-hihinaan ng loob at hindi nawawalan ng pag-asa.
Sa pag-paplano ng inyong mga gawain at sa pagpapatupad ng mga plano, sikapin ninyong gawin ito sa sarili ninyong kakayahan. Ugaliin ninyong huwag i-asa sa iba ang kaya ninyong gawin. Ipakita ninyo sa inyong sponsor club na karapatdapat kayo sa kanilang tulong at pagtitiwala. Mas magiging bukás ang pagtulong nila sa inyo pag nakita nilang tinutulungan ninyo ang inyong mga sarili.
Inaasahan namin nas kayo ang mangunguna sa pagtataguyod ng pagbabago sa inyong mga barangay.
Isa sa mga proyektong ibig naming isulong ay ang Voter Education. Ito ay napaka-mahalaga sa ating bayan sa panahong ito, dahil sa nalalapit na halalang pambansa. Hinihingi namin sa lahat ng RCC na maging aktibo sa pagpapalaganap ng Voter Education sa sarili ninyong kabahayan o barangay. Hikayatin natin ang ating mga kabataan na magparehistro nang maaga. Maglunsad tayo ng mga programa para hikayating bumoto ang lahat ng rehistradong botante sa araw ng eleksiyon. Magtatag tayo ng mga pagpupulong kung saan pag-uusapan ang mga importanteng mga isyung may kinalaman sa eleksiyon—lalong-lalo na ang mga pamantayan sa pagpili ng iboboto. Dapat tayong maging maingat sa pagpili ng mga lider na mamumuno ng ating bayan sa mga darating na taon. At sa araw ng eleksiyon, magbuo tayo ng mga pangkat ng mga volunteer, kasama ang kabataan, na magbantay sa mga presinto, upang masiguro na ang eleksiyon ay malinis, malaya, at naglalarawan ng tunay na saloobin ng sambayanan.
Ito ang magiging ambag natin sa malawakang pagsisikap ng sambayanan tungo sa isang maayos, tahimik at maunlad na Pilipinas.
Kaming lahat sa Rotary ay umaasa sa inyong tulong sa pagpapatupad ng mga programa ng RI at ng District 3830. Lagi ninyong tandaan: katuwang namin kayo sa gawain ng Rotary, sa pagpapatibay ng ating mga nasimulan, at sa pagpapatupad ng lahat ng mga program at proyekto na ating mapagplanuhan sa araw na ito.
Napakalaki ng mga pagsubok na ating hinaharap. Napakabigat ng gawaing naghihintay sa atin. Sa lahat ng ito, aasahan namin ang inyong ambag. At tinitiyak ko sa inyong maaasahan ninyo kami sa lahat ng oras.
Maraming salamat.
Commenting is closed for this article.